Saturday, February 6, 2010

"Rosas o Tsinelas?" (Kuwentong pang-Valentine's)

'Kakainis. Buwan na naman ng mga puso.

Tandang-tanda ko pa kasi. Nasa kolehiyo pa ako noon at sa tuwing sasapit ang Valentine's Day ay parang bumibigat ang pakiramdam ko. Kung pupuwede lang ay hindi ako papasok sa eskuwela. Paano ba naman, sa araw na iyon ay nagkalat sa kampus ang mga lalaking may dala-dalang pulang rosas para sa kani-kanilang mga iniirog, samantalang pakendeng-kendeng naman magsilakad sa pasilyo ang mga babaeng nabigyan na ng bulaklak.

"Ang yayabang!" pagngingitngit ko sa sarili. At paano namang hindi ako mangangasim sa inggit e isa ako dun sa mga walang bitbit. Sa totoo lang, lagi-lagi iyon. Walang mintis. Mula first year hanggang fourth year ko 'ata sa U.P. e hindi ako nakatikim na maabutan ng bulaklak! Kaya 'yung antigong salamin namin noon sa bahay, halos mabasag na sa kakatingin ko sa mukha ko. Tsinetsek ko noon lagi kung pangit ako. Ang sagot naman ng salamin ay laging isang pampalubag-loob na "Oy, hindi ah."

Pero ba't ganu'n? Walang nagbibigay sa akin ng bulaklak? Di ako nagkaboypren nung college. 'Yung tanging medyo naging crush ko noon dahil pogi, La Sallista, at matiyagang makipag-usap sa akin e nakabuntis naman! Ngiks. Wala talaga. Tatanda akong dalaga nito, sabi ko.

Nu'ng nagkatrabaho naman ako, kasagsagan na ng tambalang Pops and Martin. Naku, kaming mga magkaka-opisina e wala nang ginawa tuwing Lunes kundi ang magtilian habang nagkukuwentuhan tungkol sa napanood naming "Penthouse Live!" 'Yun 'yung hino-host nilang variety show noon sa Channel 7 tuwing Linggo ng gabi.

"Ang cute-cute nila, 'no?"

"At ang sweet-sweet! Magkaholding-hands habang kumakanta."

"Nagtititigan pa sila!"

"Sila na nga kaya? Naku, sana nga."

Iyan. Iyan ang mga dayalog namin noon. Siyempre, dagdag-kilig pa rin kada umaga 'yung pag-aabang namin sa pagdating ng guwapung-guwapo naming boss. E pa'nong hindi guwa-guwapo iyon e kapatid ni Martin Nievera, 'no? Kaya nu'ng mag-outing ang opisina sa Baguio, sabay tulong na rin nang konti sa 'backstage' habang rumaratsada ang "On the Right Track" concert ni Martin doon, e talaga namang 'heaven' kaming lahat. Kasama na namin si Boss Luigi, may Martin pang bonus. Pagbaba namin mula sa Baguio, magkakasama rin kami sa iisang tourist bus. Tapos, heto pa ang maganda. E di nasa may Cubao na kami. Pababa na ako't papuntang estribo nang bigla akong tapikin nang marahan ni Martin sa likod at sabihan ng "See you, Carol! Take care!"

Halos himatayin ako. Sabi sa inyo, isang linggo sana akong hindi maliligo noon, e. Huwag lang mabura 'yung tatak ng palad ng Nievera sa likod ko. Iba talaga ang sikat na artista. Parang dino-diyos ng ordinaryong tao. Lalo na nu'ng mga walang ibang magawa sa buhay. Lalo na nu'ng mga naghihintay magka-boypren. Lalo na nu'ng mga hindi nakatikim na mapadalhan ng rosas.

Kaya itong si Pops Fernandez, mahal na mahal namin iyan noon. Kasi naman, siguradong hindi kami seryosong kakantahan ni Martin ng "Be My Lady" o kaya "Forever". Kaya nakiki-identify na lang kami sa kanya. At nu'ng ikinasal 'yung dalawa, pakiramdam namin parang kami na rin 'yung ikinakasal.

Sa paglipas naman ng ilang taon, ang natutulog kong Beauty ay biglang bumangon. Natuklasan kong hindi naman pala ibinasura ng Diyos 'yung mga hiling ko. "Sige na, Lord. Please! May manligaw man lang. Kahit isa, maligaya na 'ko." May kasama pang iyak iyon.

Napadalhan ako ng tatlo. Sabay-sabay. 'Yun 'yung pormal na umakyat nang ligaw, ha? Di pa kasama diyan 'yung mga palipad-hangin. 'Ika nga, "Wen it reyns, it pors."

So 'yung isa, madumi ang talampakan. Parang naglalakad araw-araw sa uling. Out agad. 'Yung isa, naku dear. Super-romantiko. Lagi akong me rosas tsaka tsokolate. Balita ko pa, inilalagay niya ang mga ito sa loob ng ref ng simbahang pinagtratrabahuan niya noon, at pagkatapos ay sasabihin sa lahat ng magdadaan: "O. Huwag ninyong gagalawin iyan. Ke Carol iyan." O di ba naks talaga? Nabura ang pait ng mga araw ko noon sa kolehiyo.

Kaso lang, si kolokoy e laging nakapulang polo tsaka puting gabardine na pantalon pagka dumadalaw sa bahay namin. E ayoko sa laging nakapula. Parang nanay ko. Ayoko rin sa laging nakaputi. Parang Elvis. Ang lakas pa kamo uminom at pasuray-suray maglakad. Bah, di siyempre out!

'Yung isa naman, tinamaan talaga ako. Ayoko ng pulang polo pero pulang labi okey lang. E nagkataong meron siya no'n. Kaya "oo" agad ang Carolina. Problema nito, pagkaraan ng apat na buwan, nadiskubre kong bukod sa pulang labi e meron din siyang asawa at dalawang anak! Di kasi halata sa bebente-dos-anyos na binatilyong mahilig humawak ng electric guitar. Ang sabi ko tuloy sa kanya, "Ayoko sa manloloko." So out din siya agad-agad.

Mga anim na buwan ko ring pinagdusahan iyon. Nagkulong ako sa kuwarto. Namayat. Pakiramdam ko, para akong pinutulan ng braso at hinayaang maubusan ng dugo. Ganu'n kasakit.

At para ring mga talulot ng tuyot na rosas, isa-isang nalagas ang mga manliligaw ko. Pero siyempre, naka-rekober agad. Me dumating na isa pa. Intelihente. Disente. Responsable. Galing sa magandang pamilya. Kahit na-polio 'yung isang paa, inaalalayan ako kapag tumatawid kami sa kalye. Masayang kausap. Mga tatlong oras lang kami sa telepono, nagkukuwentuhan tungkol sa buhay. At siyempre, walang asawa.

Okey na okey na sana. Kaya lang, nu'ng mga panahon ding iyon, nakikipagsulatan naman ako sa isang kabarkada namin sa simbahan. Nagpunta kasi siya sa Saudi. At nanligaw 'yun sa best friend ko pero nabasted din. Sayang nga, e. Cute naman at okey pumorma. Laging naka-T-shirt na puti, kupas na maong, 'topsiders'. Mabantot lang ang apelyido, ganu'n. Pero dahil mukhang okey namang kasama, 'di ko na masyadong napansin iyon.

Mga halos isang taon din 'yung sulatan. Nang umuwi siya sa Pilipinas, ewan ko kung papaano nagkagulu-gulo 'yung mga pahina ng pang-komiks kong buhay. Sa madaling salita, sa kanya ako nauwi.

Tapos, heto. Nawala ulet 'yung mga rosas. 'Yun kasing may-ari nu'ng mabantot na apelyido, ayaw ba naman akong bigyan! Korni raw kasi at sayang ang pera. Kesa bumili ng rosas, pakakainin na lang daw niya 'ko sa labas. Na siya ngang nakagawian namin. Jollibee. McDo. Kenny Rogers. Pizza Hut. Shakeys. KFC. Chowking.

Talagang 'binusog' ako sa pagmamahal.

Nu'ng bagong kasal pa lang kami, ganito 'yung dayalog niya: "Ma, masyado kang konti kung kumain. Ubusin mo ito, o." Sabay dagdag ng ulam sa plato ko. Siyempre, ang mabait na asawa, masunurin. Natuto akong ibuka nang malaki-laki ang bibig ko.

Mga pagkaraan ng labing-apat na taon, ganito na ang dayalog niya sa akin: "Kakain ka na naman?! Ang lalaki na ng mga pata mo, a!"

Panay ang reklamo ngayon. Naka-ilang aerobics video na kasi ako, wala pa ring mangyari. Mabuti na lang, kahit para akong lumba-lumba, ang asawa ko'y nariyan pa rin. "Parang lumang tsinelas."

Napulot ko ang linyang iyan du'n sa isang pelikula ni Regine Velasquez. Katambal niya du'n si Richard Gomez. (Di ko na masyadong pinagpapapansin 'yang Pops en Martin na iyan kasi na-onse nila 'ko, e. 'Kala ko tunay 'yung pa-flowers-flowers nila noon. Ayun. Nauwi rin sa hiwalayan.)

So anyway, balik sa tambalang Regine-Richard. Una, medyo dragging 'yung istorya. Di masyadong na-develop 'yung karakter nu'ng dalawa. Me mga parte pang nagmukhang hindi manang kundi luka-luka itong si Regine. Nakakaloka.

Pero ang saving grace ng pelikula e 'yung mga eksena nina Richard Gomez at Jaime Fabregas. Babaero kasi ang papel ni Richard do'n at tinanong niya minsan 'yung tatay niya kung papa'no malalamang tunay ang pag-ibig na dumapo sa iyo, at hindi tunayntipayb.

Ang sagot ni Fabregas: "Alam mo, 'yung totoong pag-ibig, parang tsinelas na luma. Magsuot ka man ng iba't ibang klase ng sapatos, pagdating mo sa bahay, 'yung lumang tsinelas pa rin ang hahanapin mo. Masarap isuot kaysa bago kasi lapat na lapat sa paa mo."

O di ba ang ganda? Heto ka pa. May pang-huling hirit.

"Ang tunay na pag-ibig ay talagang parang tsinelas kasi walang silbi 'yung isa kapag nawala 'yung kapares."

Kaya hayun. Pag-uwi ko sa bahay, hinubad ko 'yung step-in ko sabay hanap du'n sa kulay grey kong mumurahing tsinelas na de goma. Ininspeksiyon ko sandali. Uka-uka na ang mga gilid dahil puro ngatngat ng aso ang inabot. Isinuot ko sa paa ko. Okey pa naman. Kumportable. Mahabang panahon na ang pinagsamahan namin. Nailusong ko na siya sa baha, sa putik, naitapak sa dumi ng aso, pero heto, buhay pa rin. Matibay talaga. Nakalusot nga sa matatalas na ngipin ni Jack, e. Nakalusot sa mga matitinding dagok ng buhay na pinagdaanan namin nitong nakalipas na labing-apat na taon. Kaya heto, suot-suot ko pa rin hanggang ngayon.

Ang dasal ko, sana'y patuloy pang patibayin ng Diyos ang aking lumang tsinelas. Sana'y masulit nang husto ang pagsasama ng pares na iyon. Para pagdating ng araw na talagang pudpod na pudpod na ang mga talampakan nito't niyari na ng paglipas ng maraming taon, wala kaming pagsisisihan. Lilingon kami pareho't magpapasalamat sa magandang buhay na ibinigay sa amin ng Panginoon.

Da best talaga ang tsinelas na pinaglumaan. Hindi iyan kayang tapatan ng pinakamahal na klase ng rosas. Ω


(Inilathala sa Light Touch Magazine, 2002)