Saturday, February 20, 2010

Sayang, Pangulo

Sa iyong pagbaba ay may kurot sa pusong
Nadama ang isang nagmasid sa paghayo
Hindi naman kapanalig, hindi rin dumepensa
Ano't nagdalamhati, nagluksa sa pagkawala?

Sa gitna ng mga tinig na nag-udyok ng pagbagsak
Ng isang nagpakitang-gilas sa mahihirap
Yaong mga saksi di naawat sa pagluha
Nang mamasdang tumila sa pagkislap ang tala

Bansa'y nahati, bato sa bato
Mayroong nagbunyi, may pag-asang nasiphayo
Nalansag ang mga kawal sa datihang hilera
Mapait ang paghabol ng sisiw sa ina

Sa iyong paglisan, panalangin ang pabaon
Na pakaiingatan itong pagkakataon
Bumangon muli't ngalan ay linisin
Sala'y pagsisihan, kabiyak ay pakaibigin

Kapayapaan ng puso ang hangad ko para sa iyo
Kapayapaan sa lahat ng bagong namumuno
Kapayapaan sa iyong mga tapat na tagasunod
Kapayapaan ng Diyos ang sa bansa ay magbuklod.